Nabunyag na muling itinaboy ng mga Tsino sakay ng mga rubber boat ang mga Pinoy habang nangingisda sa Scarborough o Panatag Shoal.
Naganap ang pangha-harass sa kabila ng panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China na pahintulutan ang mga Pinoy na makapangisda sa West Philippine Sea.
Sa report na isinumite ng Philippine Coast Guard sa National Security Council o NSC Task Force West PHILIPPINE Sea, binanggit na naganap ang insidente noong Setyembre 6.
Sinasabing nagpaalam pa ang mga Pinoy na mangingisda sila sa lugar pero dumating ang isa pang Chinese rubber boat at itinaboy sila palayo sa Shoal.
Bukod pa rito, namataan din umano sa Panatag Shoal ang isang People’s Liberation Army Navy vessel noong Setyembre 7 habang isa pang barko ng Chinese Coast Guard ang naispatan ding nagpapatrolya noong Setyembre 10.
By Jelbert Perdez