Lahat tayo, pamilyar sa hypnosis, isang kondisyon kung saan mas nagiging focused ang isang tao at nawawalan ng kontrol sa kanilang sariling aksyon at pag-iisip. Dahil madaling maimpluwensiyahan ang taong na-hypnotize, sumusunod agad ito sa anumang mungkahi o utos.
Ngunit alam mo ba na kapag gumuhit ka ng straight line sa harap ng isang nakahigang manok, mahi-hypnotize mo na ito?
Kapag makaramdam ng panganib ang ilang mga hayop, magpapanggap silang patay upang makaiwas sa peligro. Tinatawag ang behavior na ito na ‘tonic immobility,’ isang fear-based response na magdudulot ng temporary paralysis. Mas kilala natin ito bilang ‘play dead.’
Ito mismo ang nangyayari sa manok kung hawakan mo ito at guhitan ng tuwid na linya sa harapan nito. Hindi makagagalaw ang manok dahil bukod sa na-restrain ito ng itinuturing niyang predator, magfo-focus lang ito sa linya. Sa isipan ng manok, malapit na itong mamatay. Agad namang babalik ang senses nito kung buburahin ang linya.
Bagamat mukhang harmless at entertaining ang chicken hypnotism, hindi mo dapat ito subukan dahil nagdudulot ito ng malubhang stress at pagkatakot sa mga manok.