Pinagpapaliwanag ng FDA o Food and Drug Administration ang may 274 na brands ng suka sa Pilipinas kung ano ano ang sangkap ng kanilang produkto.
Ayon kay Health Undersecretary at FDA Officer in Charge Rolando Enrique Domingo, lahat ng suka na ibinebenta sa merkado ay dapat gumagamit ng acetic acid na dumaan sa fermentation at hindi ng peke o synthetic na acetic acid.
Sinuman anya sa mga gumagawa ng suka ang umaming hindi natural fermentation ang prosesong dinaanan ng kanilang suka ay agad nilang tatanggalin sa mga pamilihan.
Tiniyak ni Domingo na mananagot ang mga manufacturers na nagsasabing produkto ng natural fermentation ang ginamit nilang acetic acid subalit mapapatunayang synthetic o pekeng acetic acid lamang.
Kasama rin anya sa gagawing pagsusuri ang paggamit ng clouding substance o pampalabo para magmukhang suka ang produkto.
Kasabay nito ay iginiit ni Domingo na wala namang ebidensya na nagsasabing may epekto sa kalusugan ng tao ang paggamit ng synthetic acetic acid sa suka.
Una rito, ibinunyag ng Philippine Nuclear Research Institute na 15 sa 17 brands ng suka sa pamilihan ang gawa sa synthetic acetic acid.