Pananagutin ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang mga aniya’y nagpabayang farm manager kaya’t lumala ang bird flu sa Pampanga na naging outbreak na.
Sinabi ni Piñol na hindi kaagad naireport sa kanila ang mga unang kaso ng avian influenza at itinago para sa negosyo at hindi inisip ang pangkalahatang epekto nito.
Tiniyak din ni Piñol na ilang beterinaryo ang pananagutin at mahaharap sa disciplinary actions.
Dahil dito, nanawagan si Piñol sa mga gobernador sa mga kalapit na lugar na magkasa ng mahigpit na quarantine para walang infected na manok na makapasok sa iba pang lalawigan.
DOH nilinaw na ligtas pa rin ang pagkain ng manok at poultry products
Nilinaw ngayon ng DOH o Department of Health na ligtas pa rin ang pagkain ng manok at poultry products sa kabila ng bird flu outbreak sa Pampanga.
Pero payo ni Health Spokesman Dr. Eric Tayag, iwasan muna ang mga half cooked at soft boiled egg at tiyaking maayos ang pagkakaluto sa mga ito.
Sinabi ni Tayag na wala pa namang naitatalang kaso ng pagkahawa ng tao sa manok na kontaminado ng bird flu.
Kasabay nito, pinag-iingat ni Tayag ang mga nagkakatay at maging ang pagtatapon ng patay na manok.
Dapat anilang sundin ang wastong proseso ng disposal at tiyakin ding naipatutupad ang quarantine na ipinag-utos ng agriculture department.
Posibleng pagtaas ng presyo ng manok pinangangambahan
Pinangangambahan ngayon ang posibleng pagtaas ng presyo ng manok dahil sa bird flu outbreak sa Pampanga.
Ayon sa ilang mga negosyante, hindi malayong maapektuhan ang presyo ng manok sa merkado dahil sa tiyak aniyang magkakaroon ng domino effect sa mga susunod na araw.
Nilinaw naman ng Bureau of Animal Industry na tanging ang layer farms o mga nagsusuplay ng itlog ang apektado ng virus.
Magugunitang nasa 200,000 manok ang ipapakatay ng Department of Agriculture matapos na magpositibo ang mga ito sa bird flu.