Handa ang Sugar Regulatory Administration o SRA na ipa-blacklist ang sinumang indibidwal o grupo na mapapatunayang sangkot sa illegal na pagdating sa bansa ng 64 container vans na naglalaman ng imported na asukal.
Inihayag ito ni SRA Administrator Maria Regina Martin matapos ipag-utos ang malalimang imbestigasyon sa tangkang pag-smuggle ng asukal.
Pinapurihan ni Martin ang Bureau of Customs nang tanggihan at ibasura ang umano’y pakikialam ni dating LTO Chief Virgie Torres kahit na binanggit pa ang pangalan ng Pangulong Noynoy Aquino para lamang maipalabas ang may P100 milyong halaga ng smuggled na imported na asukal.
Sa tala ng SRA, sinabi ni Martin na ang 64 container van na naglalaman ng mga na-smuggle na asukal ay hindi naisyuhan ng sra clearance para mailabas sa warehouse ng Customs at ang hindi pagpayag ng Bureau ay naayon lamang sa batas.
Tinukoy ni Martin na sa naipasang Sugarcane Industry Development Act (SIDA) at ng magkasanib na memorandum agreement sa pagitan ng SRA at BOC, hindi maaring makapagpalabas ng asukal ang Customs ng walang ibinibigay na clearance ang SRA.
By Meann Tanbio | Monchet Laranio