Idineklara na ng mga Maranao bilang kaaway ang Maute terrorist group.
Ito ay makaraang lumagda ang lahat ng mga alkalde sa Lanao del Sur sa isang manifesto na tumuturing sa mga Maute at mga tagasuporta nito bilang mga kaaway ng mga taga-Lanao del Sur.
Kasabay nito, tiniyak ni Provincial Crisis Management Committee Spokesman Zia Alonto Adiong na nagkasundo na rin ang mga alkalde sa lalawigan na palakasin ang civilian security plan hanggang sa mga barangay.
Samantala, nanawagan din ang mga lokal na pamahalaan sa Lanao del Sur na magkaisa na labanan at pigilan ang pagpapalaganap ng maling turo ng Islam at radikalisasyon na maituturing aniyang banta ng terorismo.
AFP dinoble na ang pagbabantay sa Lanao Lake
Dinoble na ng AFP o Armed Forces of the Philippines ang pagbabantay sa Lanao Lake area upang hindi makapuslit ang karagdagang pwersa ng Maute – ISIS terrorist group.
Ayon kay AFP Spokesman Brig. General Restituto Padilla, inaasahan na nila ang posibleng pagdating ng mga miyembro ng Maute para tulungan ang mga natitirang fighters na malapit nang masukol ng militar.
Sa kabila nito, kumpiyansa si Padilla na hindi sila malulusutan ng mga teroristang nais sumaklolo sa mga miyembro ng Maute lalo’t kontrolado aniya ng tropa ng pamahalaan ang paligid ng lawa.
Samantala, sinabi Padilla na kanila pang bineberipika ang ulat na patay na ang emir ng ISIS sa Pilipinas at Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon.