Labing siyam (19) na mga tinaguriang martir at bayani ng batas militar ang binigyang parangal kasabay ng paggunita sa ika-153 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio kahapon.
Pinangunahan ni Vice President Leni Robredo ang pagkilala sa mga ito sa isang pagtitipong ginawa sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City.
Kasama sa nasabing pagtitipon sina Liberal Party President at Senador Kiko Pangilinan, dating Senador Heherson Alvarez, dating National Democratic Front Chief Peace Negotiator Luis Jalandoni at BAYAN Secretary General Renato Reyes.
Kabilang sa mga kinilala ay pawang mga yumao na tulad nila Letty Jimenez Magsanoc, dating Senate President Jovito Salonga, Benjamin Cervantes, Danilo Vizmanos, Ricardo filio, Bishop Julio Labayen at Margarita Gomez.
Kasama rin sina Eduardo Aquino, Simplicio Villados, Romulo Peralta, Manuel Dorotan, Edgardo Dojillo, Fortunato Camus, Marciano Anastacio, Hernando Cortez, Josel Cecilio Jose, Antonio Zumel, Jose Aquilino Tangente at Lourdes Estella – Simbulan.
By Jaymark Dagala