Sinampahan ng patumpatong na reklamo ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG sa Department of Justice o DOJ ang apat na matataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines o CPP dahil sa sexual abuse sa kanilang dating kadre.
Kabilang sa mga inireklamo ng dating amasonang si Lady Desiree Miranda alyas Ka Shane sina CPP Founding Chair Jose Ma. Sison at ang kaniyang recruiter na si Redsa Balatan.
Gayundin ang mga dati niyang commander na sina Rey Dela Peña alyas Reynaldo Santos at Joel Caliwliw na kasalukuyan nang nakakulong sa Nueva Ecija.
Mga kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 at Child Abuse Law ang isinampa ng CIDG laban kina Sison at Balatan habang Rape naman kina Dela Peña at Caliwliw.
Batay sa salaysay ni Ka Shane, ni-recruit siya bilang miyembro ng Anakbayan sa edad na 14, hanggang sa naging miyembro na siya ng NPA Sa edad na 18.
Habang kasapi siya ng NPA, ilang ulit umano siyang ginahasa ni Dela Peña at Caliwliw, at minolestya pa ng kanyang Vice commander mula 2016 hanggang 2018.
Nang dumulog siya sa mga nakatataas na pinuno ng CPP, pinaratangan pa siyang “sex addict” at nasiraan umano ng bait, na siyang nagtulak sa kaniya para tumiwalag sa terroristang grupo at humingi ng tulong sa pamahalaan.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)