Muling pinaalalahanan ng Manila Police District ang mga tauhan nito na panatilihing ligtas at nakatago ang mga service firearms o baril upang hindi maabot o makuha ng kanilang mga anak.
Ito ang panawagan ni MPD Director Police Brigadier General Andre Dizon kasunod ng nangyaring insidente kung saan nasawi ang isang 12 taong gulang na estudyante.
Ito’y matapos dalhin ng bata ang baril ng kanyang ama na isang pulis sa paaralan sa San Jose Del Monte, Bulacan at maiputok sa sarili.
Aniya hindi lamang ito paalala sa MPD personnel kundi maging sa lahat ng may-ari ng baril.
Sinabi pa ni General Dizon, iba na ang pag-iisip ng ilang mga kabataan lalo na’t nauso na ang mga bayolenteng gaming mobile kung saan marami sa kanila ang nakatutok at nahuhumaling sa larong ito.
Binigyang-diin pa ng opisyal, maiging tutukan rin ng mga magulang o guardian ang kanilang mga anak at maiging magkaroon sila ng oras para makausap ang mga ito.