Pinag-iingat ng Philippine Society of Hypertension (PSH) ang mga mayroong matataas na presyon, na manatili na lang sa malamig na lugar.
Ayon kay PSH President Lyn Gomez, ito ay dahil tiyak na tataas ang presyon ng mga ito, dahil sa sobrang init ng panahon, lalo na sa pagitan ng alas-10:00 ng umaga at alas-3:00 ng hapon.
Pinaalalahanan din ng Department of Health (DOH) ang publiko na manatili na lang sa loob ng bahay, kung wala naman mahalagang gagawin, dahil sa inaasahang maalinsangan na panahon, hanggang bukas.
Batay sa pagtaya ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), maaaring umabot sa 40 hanggang 41 degrees celsius ang heat index, o ang init na nararamdaman ng katawan.
By Katrina Valle | Aya Yupangco (Patrol 5)