Matapos bisitahin ang ilang lugar na nasalanta ng bagyo, iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat magbayad ang mga industrialized country o mayayamang bansa na nasa likod ng malaking carbon emissions, dahil sa pinsalang idinulot ng climate change.
Sa kanyang Talk to the People kahapon, binigyang-diin ni Pangulong Duterte na kabilang ang Pilipinas sa mga sumasalo sa polusyong idinudulot ng mga mayamang bansa.
Aminado ang Pangulo na noong una ay hindi siya kumbinsido na mayroong climate change hanggang sa naranasan niya mismo ang maraming bagyo sa Davao na noo’y bihirang daanan ng mga bagyo.
Gayunman, hindi tinukoy ng Punong Ehekutibo kung anong mga bansa ang dapat magbayad sa Pilipinas ng danyos perwisyo.