Isusunod na ng Philippine National Police (PNP) ang mga artista at mga kabataang nakaaangat sa buhay sa kampanya laban sa iligal na droga.
Inihayag ito ni Southern Police District Director Sr. Supt. Tom Apolinario Jr. na nagsabing kasama sa mga tinututukan ng PNP Anti-Drug Operations ay ang paglaganap ng mga tinaguriang party drugs tulad ng ecstacy.
Ayon kay Apolinario, matapos ang pagkamatay noong Mayo ng 5 kabataan dahil sa drug overdose sa isang concert sa Pasay City, naging mas malakas na ang koordinasyon ng pulisya sa mga party at concert organizers upang matiyak na hindi mapapasukan ng droga ang mga aktibidad na karaniwang dinadaluhan ng mga mayayamang kabataan at mga celebrities.
Bukod dito, sinabi ni Apolinario na nagde-deploy na rin sila ng drug-testing kits sa entrada ng mga ganitong pagtitipon upang masuri ang mga may kahina-hinalang pagkilos.
By Meann Tanbio