Tinukoy ni Senate Committe on Public Order Chairman Ronald Dela Rosa ang mga ipatatawag kapag sinimulan ang imbestigasyon sa pagkakadawit ng inmate sa New Bilibid Prison (NBP), Muntinlupa sa pagpaslang sa broadcaster na si Percival Mabasa o Percy Lapid.
Ayon kay Dela Rosa, kabilang sa ipatatawag sa hearing ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na kanyang pinamumunuan, ang mga mayor o leader ng mga gang sa Bilibid.
Maaari anyang hingan ang mga ito ng impormasyon sa pagkamatay ng isang Jun Globa Villamor, na itinurong middleman sa pagpaslang kay ka-Percy.
Bilang dating namuno sa Bureau of Corrections, inihayag ni Bato na sa kalakaran sa “Munti”, imposibleng hindi alam ng mga mayor ang nangyari sa kanilang kasamahan.
Sa report ng Department of Justice, namatay si Villamor ilang oras matapos sumuko sa pulisya ang self-confessed gunman na si Joel Escorial.
Bukod naman sa mga mayor, sinabi ng Senador na ipatatawag din sa pagdinig upang magbigay-linaw sina Justice secretary Jesus Crispin Remulla, DILG secretary Benhur Abalos, ang pamunuan ng Philippine National Police at BuCor.
Magsisimula ang hearing sa Nobyembre dahil sa nasabing buwan inaasahang ma-i-refer sa kumite ang resolusyon ni Senator Bong Revilla Jr., na nananawagang imbestigahan ang issue. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)