Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine National Police o PNP na isama ang media sa kanilang drug at police operations para personal na masaksihan kung paano ginagawa ang pag-aresto sa mga sangkot sa iligal na droga.
Sa harap na rin ito ng kontrobersiyang kinakaharap ng PNP sa mga napatay na drug suspect kabilang na ang kaso ni Kian Loyd Delos santos at Carl Angelo Arnaiz.
Ayon kay Pangulong Duterte, mas mainam na bitbitin ang mga reporter sa kanilang operasyon at hayaang sila ang sumaksi sa mga ginagawa ng pulis sa mga anti-criminality at anti-illegal drugs operations.
Paunahin anya ang mga reporter para makita at makuha ng mga ito ang istorya mula umpisa hanggang sa matapos ang operasyon para hindi sabihing nilagyan lamang ng baril ang mga drug suspect.
Dagdag ng Pangulo, papayagan na magkaroon ng “first hand experience” ang media sa police at anti-drug operations pero hindi binanggit kung sino ang mananagot sakaling mabaril o masaktan ang mga mamamahayag ng mga sangkot sa droga.
By Drew Nacino / (Ulat ni Aileen Taliping)
SMW: RPE