Hindi sumipot sa pagdinig ng senado ukol sa isyu ng red-tagging ang mga aktibista at kinatawan ng mga militanteng grupo.
Ayon kay Senador Ping Lacson, chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, at siyang nagpatawag ng oversight hearing, pinadalhan nila ng imbitasyon ang Bayan Muna, Alliance of Concerned Teachers, Kabataan at Gabriela pero wala silang natanggap na kumpirmasyon.
May open invitation din anya ang komite sa mga kasapi ng Makabayan Bloc sa Kamara na idinaan kay House Speaker Lord Alan Velasco pero walang tugon dito.
Open invitation ang ipinadala dahil hindi maaring direktang imbitahin ang mga kasapi ng kamara bilang pag-obserba sa inter-parliamentary courtesy.
May sulat naman si dating Bayan Muna Party-list Congressman Neri Colmenares na nagsabi na maari siyang dumalo sa susunod na pagdinig ng senado kung wala ang mga taga-security sector, partikular ang umanoy nang-red-tag na si Lt. Gen. Antonio Parlade.
May pinadala lang na abogado ang grupong Makabayan.
Full force naman sa pagdinig ang mga security officials na sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, National Security Adviser Hermogenes Espero, Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, Lt. Gen. Parlade at ilang matataas na opisyal ng militar at pulisya.
Ayon kay Lacson, hindi nasisiyahan ang komite sa pagsasagawa ng pagdinig dahil ang pag-uusapan ay labanan ng Pilipino laban sa Pilipino dahil sa ideolohiya at paniniwala at mayroong napapatay.
Aniya, ang red-tagging ay maituturing na krisis dahil nakakakdiskaril sa pagsisikap na ma-protektahan ang human rights at sa pagpapalakas ng law enforcement measures ng gobyerno. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)