Nanganganib na mapasara ang mga minahan na hindi makakakuha ng ISO 14001 International Standards.
Ito ang tiniyak ni bagong Environment and Natural Resources Secretary Gina Lopez matapos atasan ang lahat ng Regional Director ng DENR na busisiin ang lahat ng mga nagmimina sa bansa ito man metal at hindi metal kung nakasunod o hindi ang mga minahan sa international standard.
Sa isang press conference, sinabi ni Lopez na inatasan sya ni Pangulong Rodrigo Duterte na suriin at alamin kung responsableng pagmimina ang pinapairal ng mga kumpanya sa kanilang paghuhukay ng mga mineral gaya ng ginto, pilak, tanso at maging ang mga gumagawa ng uling o coal mining, mga gumagawa ng semento.
Ayon kay Lopez, ang pagbusisi sa mga minahan ay aabutin ng isang buwan.
Tiniyak ni Lopez na ang mapapatunayang hindi nakasunod sa ISO 14001 International Standards ay ipapasara ang mga minahan.
Kaugnay dito, 30% lamang ng 42 mining operations ang nakakuha ng ISO 14001 International Standards
Ayon ito kay Director Leo Jasareno ng Mines and Geosciences Bureau.
Ito, aniya, ay habang humingi ng ekstensyon ang ilan sa mga kumpanyang ito bagaman depende na kung aaprubahan ito ng bagong kalihim ng DENR na si Secretary Gina Lopez na kilalang kontra sa operasyon ng pagmimina sa bansa.
Binigyang diin ni Lopez na mahalaga ang kapakanan ng mga mamamayang Pilipino kung malalagay sa panganib ang kanilang kalusugan at kabuhayan.
By: Avee Devierte