Napundi na si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pasaway na mining companies na patuloy na lumalabag sa batas at sumisira sa kalikasan.
Sinabi ng Pangulo na hindi siya mangingiming ibaon sa hinukay na butas ng mga minahan ang mga mining executives na sangkot sa iligal na pagmimina.
Kasunod nito, pinaiimbestigahan na rin ng Pangulo sa Department of Environment and Natural Resources o DENR ang isang Eric Gutierrez na may-ari ng minahan sa Agusan del Norte at sinasabing campaign contributor ng natalong presidential candidate na si Mar Roxas.
Bahagi ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte
Kaugnay nito, tiniyak naman ng Chamber of Mines of the Philippines kay Pangulong Rodrigo Duterte na mahigpit nilang susundin ang pinaigting na panuntunan sa pagmimina.
Ito ang tugon ng mga mining companies sa naging babala ng Pangulong Duterte at itinuturing nila ito bilang isang hamon para sa pagsusulong ng responsableng pagmimina.
Magugunitang sinabi ng Pangulo na hindi siya mangingiming ipasara ang mga mining companies na hindi tatalima sa mga itinatakdang polisiya ng Department of Environment and Natural Resources o DENR.
Ayon sa Chamber of Mines, pangangalagaan nila ang kapakanan ng mga tao, kalikasan at ang interes ng bansa at tutulong sila para masugpo ang operasyon ng mga illegal miners.
By Jaymark Dagala | Aileen Taliping (Patrol 23)