Aabot sa 15 misa ang nakatakdang isagawa sa Quiapo church sa Enero 9 bilang kapalit ng kanseladong Traslacion ng itim na Nazareno ngayong taon dahil sa banta ng COVID-19.
Ayon kay Rev. Msgr. Hernando Coronel, rector ng Minor Basilica of the Black Nazarene, layunin nitong maiwasan ang pagsasabay-sabay ng mga tao lalo’t inaasahan na ang pagdagsa ng mga deboto.
Aniya, magsisimula ang unang misa ng alas 4:30 ng umaga habang alas 10:00 naman ng gabi nakatakdang isagawa ang huling misa.
Dagdag ni Rev. Msgr. Coronel, maglalagay din sila ng walong malalaking LED screen stations para sa mga mananampalataya na hindi na makakapasok ng Quiapo church.
Bukod dito, sinabi ni Rev. Msgr. Coronel na magsasagawa rin ng walong misa sa Sta. Cruz Church, anim sa San Sebastian Church at tatlo sa Nazarene Catholic School na maaaring daluhan ng ibang deboto.
Makikita rin sa balkonahe ng simbahan ng Quiapo ang imahe ng poong itim na Nazareno na sinimulang ilagay doon noong araw ng Pasko.
Samantala, kabilang din sa aktibidad ang pagbisita ng replika ng itim na Nazareno sa iba’t-ibang lugar tulad sa Manila Cathedral at San Lazaro Hospital kahapon.