Kasama na sa mga iniimbestigahan ng NBI o National Bureau of Investigation ang iba pang mga miyembro ng Aegis Juris fraternity na hindi nag-aaral sa University of Sto. Tomas (UST).
Sinasabing nais matukoy ng NBI kung may naging partisipasyon sila sa pagkamatay ng hazing victim na si Horacio “Atio” Castillo III.
Una nang lumabas ang pangalan ni Lennert Galicia sa kumalat na group message ng fraternity kung saan sa birthday party niya dapat magkikita ang grupo.
Subalit sa salaysay ng kanyang pamilya na sinuportahan ng kanyang nobya at tauhan sa bahay, nasa kanyang party sa Bulacan si Galicia at wala sa lugar na sinasabing pinangyarihan ng hazing.
Maliban dito, kabilang din sa mga pinagpapaliwanag ng NBI sa insidente sina Leo Lalusis, Ralph Trangia, Ojay Onofre, at iba pang mga miyembro ng Aegis Juris.