Sasailalim pa sa beripikasyon ng NHA o National Housing Authority ang lahat ng miyembro ng KADAMAY kung sila ay karapat-dapat mabigyan ng libreng pabahay.
Ito’y matapos mapag-alaman ng NHA na 71 sa 8,000 pamilyang umuokupa sa mga housing unit sa Pandi, Bulacan ay dati nang nabigyan ng pabahay ng gobyerno.
Ayon kay NHA Chief of Staff Atty. John Christopher Mahamud, hindi nilalahat ni Pangulong Rodrigo Duterte nang sabihin niya na ibigay sa mga KADAMAY ang mga housing unit sa Bulacan.
Paglilinaw ni Mahamud may proseso pa rin na kailangan pagdaanan at hindi maaaring basta-basta na lang itong ipamigay.
Kaya panawagan ni Mahamud sa mga miyembro ng KADAMAY na maging patas sa ibang pamilya na dumaan sa proseso ng pag-a-apply ng pabahay.
Bwelta naman ng grupo, dalawang beses lamang nagtungo ang NHA sa Bulacan at simula noon ay hindi na ulit sila kinausap ng mga ito.
Giit pa ni Gloria Arellano, KADAMAY National President ilang beses na silang nagsagawa ng rally upang makausap ang NHA ngunit ayaw umano nilang humarap.
Posted by: Robert Eugenio