Nilinaw ng National Housing Authority o NHA na hindi pa maituturing na pag-aari ng mga miyembro ng Kadamay ang inookupahan nilang bahay sa Pandi, Bulacan.
Sa kabila ito ng pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte noong Abril ng nakaraang taon, na ibinibigay na niya sa Kadamay ang pinasok nilang pabahay sa Pandi, Bulacan.
Ayon kay Elsie Trinidad, spokesperson ng NHA, kailangan pa itong dumaan sa Kongreso dahil malinaw sa batas na ang pondong ginamit para sa pabahay sa Pandi, Bulacan ay para sa mga sundalo at pulis.
Una, kailangan po natin ng panibagong batas para nmaman may authority ang NHA na maipamahagi po ito sa mga non AFP/PNP.
Napaka-restricted po nung batas na nagbigay ng pondo, yung GAA na tinatawag, sa AFP/PNP projects dahil nakasaad naman dun na ‘exclusively for AFP/PNP: Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP) and Bureau of Corrections.
Dahil dito, binalaan ni Trinidad ang mga miyembro ng Kadamay na nagbenta, nagsanla o nagpapa-upa ng mga bahay na naibigay sa kanila.
Ayon kay Trinidad, matinding ‘screening’ o pagsala ang kanilang gagawin sa mga miyembro ng Kadamay sa sandaling bumaba ang pormal na utos para ilipat na sa kanila ang mahigit sa 5,000 mga unit ng bahay sa Pandi, Bulacan.
Napakahirap po talaga na kumuha ng hard evidence kasi po either po yung complainant or nagre-report aatras, ayaw pumirma ng affidavit for fear na siya naman ang balikan.
So, dun po sa gagawing pagsasala sa mga Kadamay member na nag-okupa, bago po sila mabigyan ng official award ay yun na po, dadaan talaga sila sa screening process.