Tinatayang 300 miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) ang nagkalasan na sa grupo sa gitna ng umano’y katiwalian sa loob ng nabanggit na pro-urban organization.
Dahil sa galit, ibinato ng ilang dating miyembro ng KADAMAY na umokupa sa isang government housing project sa Pandi, Bulacan ang kanilang identification cards habang isinisigaw ang pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Aminado ang ilan sa mga leader ng KADAMAY tulad ni Bueno Cayman na niloko sila ng grupo dahil ginawa silang gatasan bunsod ng paniningil ng 150, 200 at 300 pesos na tinatawag nilang “Lakbayin” para lang makapag-rally.
Sinisingil din anya sila ng KADAMAY ng 15,000 Pesos kapalit ng isang bakanteng bahay na kanilang inokupa sa Pandi noong Mayo ng isang taon subalit hindi kayang makapag-labas ng pera kaya’t ibinaba sa 3,000 Pesos.
Bukod sa Pandi, ilang pabahay din ng gobyerno ang inokupa ng KADAMAY sa San Jose Del Monte City.