Magsusumite ng panukala ang mga miyembro ng Liberal Party sa Kamara para amyendahan ang Rice Tariffication Law.
Ito ay matapos ang ginawang pagsumite rin ni Senador Francis Pangilinan ng kaparehong panukala sa Senado.
Ayon kay Occidental Mindoro Representative Josephine Ramirez-Sato, matindi na ang daing ng mga magsasaka sa kaniyang lugar at kailangan na silang mabigyan ng tulong.
Aniya, ang mga buwan ng Setyembre at Oktubre ang may pinaka kaunting ani, kaya kailangan nang masuportahan agad ang mga magsasaka.
Dagdag pa nito, responsibilidad ng lahat ng mga mambabatas sa bansa ang tulungan ang mga naghihirap na magsasaka.
Matatandaang naitala noong isang linggo ang pagsadsad ng presyo ng lokal na palay na umabot na sa pitong piso kada kilo.