Unti-unti nang nalalagas ang bilang ng mga miyembro ng minorya sa Kamara.
Ito’y matapos magpahayag ng intensyon na umanib sa kampo ni House Speaker Gloria Arroyo ang dalawang kaalyado ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez at dating House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas.
Ang mga ito ay sina Representative Dakila Cua ng lone district ng Quirino, Chairman ng House Committee on Ways and Means at Johnny Pimentel ng Surigao del Sur, Chairman ng Committee Good Government and Public Accountability.
Kabilang din sa listahan na inilabas ng kampo ni dating Pangulong Arroyo ng mga nais lumipat ay si Pangasinan 4th District Rep. Christopher de Venecia, anak ni dating Speaker Jose de Venecia.
Una ng napabilang ang nakababatang De Venecia sa 24-member bloc ni dating House Deputy Speaker Miro Quimbo ng 2nd District ng Marikina na miyembro ng Liberal Party na nakipagsanib-puwersa sa 7-member Makabayan Bloc ni Albay 1st Distict Rep. Edcel Lagman.
Sina Quimbo at tambalang Alvarez-Fariñas ang naglalaban para sa hindi pa nababakanteng posisyon ni Minority Leader Danilo Suarez na alinsunod sa House rules ay dapat mapabilang sa mayorya matapos bumoto pabor kay Arroyo.
—-