Muling naglunsad ng kilos-protesta kontra jeepney modernization program ang mga miyembro ng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON).
Nagtipon ang mga raliyista sa kanto ng East Avenue at NIA Road sa Quezon City at nag-martsa patungo sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Gaya ng dati, iginiit ni PISTON President George San Mateo na mag-reresulta sa pagkawala ng hanapbuhay ng libu-libong jeepney operator at driver ang modernisasyon.
Iprinotesta rin ng grupo ang bagong implementing guidelines sa jeepney phaseout plan maging ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Samantala, nagdulot naman ng mabigat na daloy ng trapiko ang inilunsad na demonstrasyon ng grupo sa East Avenue hanggang sa kanto ng EDSA.