Inatasan ni AFP o Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Eduardo Año ang tropa ng militar sa Marawi City na irespeto ang mga mosque at iba pang lugar ng pagsamba.
Ayon kay Brig. General Restituto Padilla, spokesman ng AFP, garantiya ito na hindi bobombahin ng militar ang mga mosque sa Marawi City.
Maaari anyang salakayin ito o paputukan ng tropa ng militar subalit hindi nila ito gagamitan ng bomba.
Sinasabing sa mga mosque nagtatago ang Maute Group sa Mindanao at doon rin nakapuwesto ang kanilang mga snipers.
Kasabay nito ay nakiusap si Padilla sa mga kapatid na Muslim na tigilan ang usapan hinggil sa pambobomba ng militar sa kanilang mga mosque dahil wala anya itong katotohanan.
By Len Aguirre