Naipit sa mga inilagay na checkpoints sa mga borders sa pagitan ng ilang lungsod sa Metro Manila at karatig lalawigan ang maraming motorista at mananakay.
Kasundo ito ng pagsisimula ng mahigpit na pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa buong Luzon para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kabilang sa mga nilagyan ng harang ng pulisya ang border ng San Mateo, Rizal at Marikina gayundin ang Meycauayan at Valenzuela City.
Ilang mga commuters ang galit dahil hindi rin sila pinayagang makapasok sa mga inilagay harang ng mga pulisya kahit pa malapit lamang sa checkpoint ang kanilang mga tahanan.
Pasado ala una na ng madaling araw kanina nang payagan ng mga pulis ang mga naipit na commuters na makadaan ng border mula marikina patungong San Mateo.
Habang alas tres na nang madaling araw nang palusutin naman ang mga commuters mula Rizal patungong marikina.
Iginiit naman ni Marikina City Chief Police Col. Retituto Arcangel na hindi nila pinahintulutang makadaan ang mga nabanggit na commuters at motorista dahil sa umiiral na curfew sa Marikina.
Samantala, ala una na rin ng madaling araw kanina nang payagan na ring makalusot ang mga motorista at mananakay sa border ng Valenzuela at Meycauayan,Bulacan matapos namang magtungo doon ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian.