Magbaon ng mahabang pasensya…
Ito ang paalala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista ngayong Miyerkoles Santo kaugnay ng inaasahang exodus ng mga biyahero ngayong hapon.
Ayon kay MMDA Edsa Traffic Czar Bong Nebrija, panatilihin ang lamig ng ulo sa pagmamaneho lalo’t inaasahan ang mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Sinabi ni Nebrija na nasa isanlibo’t limang daang (1,500) traffic enforcers ang nakabantay ngayon sa sitwasyon ng trapiko sa buong kalakhang Maynila.
“We are expecting build up maybe later in the afternoon because ‘yung ibang ahensya, ibang kumpanya nagdeklara na ng half-day ngayon so it will give their employees more time to prepare in leaving Metro Manila and going to the provinces, so baka magkasabay-sabay ‘yan palabas ng Metro Manila, we are anticipating build-up in possible choke points, leading to NLEX and SLEX.” Ani Nebrija
Samantala, pinayuhan din ni Nebrija ang mga pasaherong nag-aabang sa terminal na uminom ng tubig upang maiwasan na tamaan ng heat stroke.
(Ratsada Balita Interview)
Holy Week exodus
Asahan na ngayong araw na ito ang Holy Week exodus o pagdagsa ng mga pasahero sa mga expressway, terminal at pantalan para umuwi sa mga lalawigan ngayong Semana Santa.
Sinabi ni Araneta Center Bus Terminal Manager Ramon Legazpi na inaasahang lolobo pa o papalo sa pito hanggang walong libo ang bilang ng mga pasahero ngayong araw na ito dahil huling araw na ng trabaho.
Una nang umabot sa pitong libo at limandaan (7,500)ang bilang ng mga pasahero sa Araneta Center Bus Terminal.
Tuluy-tuloy naman ang paggabay ng Land Transportation Office (LTO) sa mga motorista para sa ligtas na pagbiyahe pa-probinsya ngayong Holy Week.
Sa pamamagitan ito ng Oplan Semana Santa ng LTO kung saan pangunahing dapat masuri bago bumiyahe ang baterya, langis at ilaw ng sasakyan.
Pinayuhan pa ni LTO Deputy Law Enforcement Service Director Rolando Abelardo ang mga motorista na dapat may kapalit na driver sa mga malalayong biyahe para na rin sa kanilang kaligtasan.
Naglagay na rin ng dagdag toll collectors ang Metro Pacific Tollways Corporation.
Sa gitna na rin ito nang inaasahang pagdagsa ng mga sasakyan sa North Luzon Expressway, Subic Clark Tarlac Expressway at Cavite Expressway.
Maglalagay din ng pitong daang (700) toll booths at dagdag na mga guwardiya sa mga nabanggit na expressway.
Ang hakbang ay bahagi na rin ng contingency plan ng mptc na tinaguriang ‘safe trip mo, sagot ko’ campaign na nagsimula nitong Lunes, April 15 hanggang April 22, Lunes.—Judith Larino
—-