Huhulihin na simula sa susunod na linggo ang mga motorsiklong lalabas sa motorcyle lane sa EDSA.
Aminado ang Metropolitan Manila Development Authority na hindi estriktong naipatutupad ang batas hinggil dito kahit limang taon na itong umiiral.
Hindi rin naman itinanggi ng Motorcyle Riders Club of the Philippines na maraming pasaway na riders gaya ng mga sumisingit at hindi pinapansin ang designated lanes kaya maraming kinasasangkutang aksidente ang mga naka motorsiklo.
Ang mga lalabag ay pagmumultahin ng 500 piso at pasok sa violation na “no-contact traffic apprehension policy”.
Kinuwestiyon naman ng MRO o Motorcycle Rights Organization ang tila palaging paninisi sa mga naka motorsiklo at hindi ang mga Public Utility Vehicles tulad ng mga bus.
Naniniwala si Robert Christian Bolaños ng MRO na speed limit ang dapat ipatupad sa EDSA at pantay na pagsasapatupad ng batas sa lahat ng gumagamit sa pangunahing kalsada.
Batay sa datos ng MMDA pangalawa ang motorsiklo sa mga pribadong sasakyan na dumadaan sa EDSA.