Planong dalawin ng mga kandidata ng Mutya ng Pilipinas ang mga sundalong nasugatan sa krisis sa Marawi City.
Ito’y sa kabila ng nagaganap na karahasang dulot ng teroristang Maute Group sa lungsod na naging dahilan upang magdeklara si Pangulong Rodrigo Duterte ng batas militar sa buong Mindanao.
Sa panayam ng DWIZ Patrol kay Ms. Hemilyn Escudero-Tamayo, Pangulo ng Mutya ng Pilipinas Beauty Pageant 2017, gagawin nila ito hindi lang upang i-promote ang prestihiyosong patimpalak kundi para palakasin ang loob at ipakita ang kanilang suporta sa tropa ng pamahalaan na nakikipaglaban para sa bayan.
Si Escudero-Tamayo, dating beauty queen, ay maybahay ng isang mataas na opisyal ng Philippine Air Force.
Ayon kay Escudero-Tamayo, sakaling maisakatuparan nila ito, tiyak na tataas ang moral, lalong mabubuhayan ng pag-asa at higit pang magiging inspirado ang mga sugatang sundalo.
Gayunman, ipinaliwanag ni Tamayo-Escudero na kung hindi kakayanin ng schedule ng Mutya ng Pilipinas candidates ay gagawin na lamang nila ang pagbisita pagkatapos ng pageant sa Agosto, taong kasalukuyan.
Posible aniyang ang mga mananalo lamang sa pageant ang makadadalaw sa mga nasugatang kawal ng pamahalaan.
Magugunitang dumalaw din si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach sa mga sundalong nakaratay sa Heroes Ward ng AFP Medical Center noong nakaraang taon bilang bahagi ng kanyang charity events
By: Gilbert Perdez