Higit 7,600 mga pasahero na ang na-istranded sa iba’t ibang mga pantalan sa bansa dahil sa bagyong Nona.
Ayon sa pinahuling tala ng Philippine Coast Guard (PCG), pinakamaraming na-istranded sa southern Tagalog kung saan umabot sa higit 2,000 pasahero.
Higit 1,100 naman sa Central Visayas at 1,400 naman sa Eastern Visayas.
Mayroon namang na istranded na 97 na vessel, 94 na bangkang de motor at higit sa 1,000 mga rolling cargo.
Vietnamese vessel
Samantala, sumadsad ang isang Vietnamese vessel sa Polique Bay sa San Francisco, Legazpi City.
Ayon kay Integrated Coastal Resource Management Unit Officer in Charge Benigno Redito, simula pa noong linggo ay nasa lugar na ang MV Royal 16 panahon na papasok naman ang bagyong Nona sa bansa.
Sinubukan umanong ibaba ng barko ang angkla nito ngunit dinala pa rin ng malakas na alon.
Sinisimulan nang siyasatin ng mga otoridad kung gaano kalawak ang mga nasirang coral reef sa lugar.
Masbate
Na-istranded naman ang 30 katao sa Sombrero Island sa San Pascual, Masbate dahil sa masamang panahon.
Ayon kay Naval Forces Southern Luzon Deputy Operations Officer Lieutenant Rosgen Carranza, nagsagawa ang grupo ng isang outreach program sa isla ngunit inabot naman ng bagyo doon.
Inaalam na ng mga otoridad kung anong grupo ito at ang kalagayan ng mga ito sa isla.
By Rianne Briones