Hindi na ihaharap sa media ng Philippine National Police o PNP ang mga naaarestong suspek bilang pagtalima sa naunang memorandum na may kaugnayan sa pangangalaga sa karapatang pantao.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde matapos hanapin ng ilang mamamayahag ang mga naaarestong pulis at ilang sibilyan kamakailan na inaasahang ihaharap sa ginanap na regular press conference.
Ayon kay Albayalde, mayroong memorandum na inilabas noong 2008 kung saan nakasaad, na ang pagharap ng mga naaarestong suspek sa media ay isang uri ng paglabag sa mga karapatan nito hanggang siya ay mapatunayang nagkasala.
Magugunitang sa nakalipas na dalawang taon ay naging regular nang ipiniprisinta ng PNP ang mga kontrobersiyal na naaarestong suspek sa media para sa pagkakataon nilang makuhanan ang mga ito ng video at larawan.
—-