Magdaragdag pa ng puwersa ang Philippine National Police (PNP) para magbantay sa bawat sulok ng Metro Manila ngayong pinalawig pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) dito hanggang Mayo 15.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Archie Gamboa, aabot aniya sa 20,000 mga dagdag na tauhan ang kaniyang ipakakalat upang tumulong sa pagtitiyak na wala nang pasaway ang magpapakalat-kalat pa sa mga lansangan.
Nakikipag-ugnayan naman na si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Mgen. Debold Sinas sa Philippine Army at Special Action Force (SAF) ng PNP para sa ipakakalat na puwersa nito na kanila namang makakatuwang.
Batay sa datos ng Joint Task Force COVID shield, nasa 144,452 na ang bilang ng mga nahuhuling lumalabag sa ECQ mula Marso 17 hanggang Abril 23.
Pinakamaraming lumabag ang naitala sa Luzon na nasa 90,164, sumunod naman ang Mindanao na may 27,572 at Visayas na may 26,969.
Mula sa kabuuang bilang,103,781 ang pinagsabihan o binalaan habang nasa 6,499 ang pinagmulta.