Nagsimula na ang walong araw na paglalayag pauwi ng Vietnam ng limang mangingisda nitong una nang naaresto dahil sa iligal na pagpalaot sa dagat na sakop ng Bolinao sa Pangasinan nuong Setyembre.
Ito’y makaraang pormal na pauwiin ng Pilipinas ang mga nabanggit na mangingisda sa isang send-off ceremony na pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Sual, Pangasinan kahapon.
Sa halip na kasuhan ng Pilipinas ang mga nasabing mangingisda, pinabaunan pa ang mga ito ng pagkain, inuming tubig at iba’t ibang suplay ng kagamitan para sa kanilang paglalayag pauwi.
Ayon sa Pangulo, ginawa niya ang naturang aksyon upang ipakita ang pagsunod ng Pilipinas sa UNCLOS o United Nations Convention on the Law of the Sea na hindi maaaring arestuhin ang isang dayuhang mangingisda dahil sa illegal fishing.
Kasunod nito, humingi naman ng tawad ang punong ehekutibo sa Vietnam dahil sa pagkakapatay ng mga tauhan ng Philippine Navy sa dalawang mangingisda nito.