Mga permanenteng residente ng Pasay City ang ilang Chinese nationals na nabakunahan na kontra COVID-19.
Ipinabatid ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire batay sa impormasyong ibinigay ng Pasay City government kaya walang nalabag na government protocols ang ginawang pagbakuna sa mga nasabing Chinese nationals.
Ayon kay Vergeire malinaw sa Inter Agency Task Force resolutions na hindi dapat ituring na iba sa mga Filipino nationals ang sinumang dayuhan na permanent resident na sa Pilipinas na nangangahulugang kailangan pa ring bakunahan ang isang dayuhan dahil nakakasalamuha niya rin ang mga Pilipino.
Una nang inihayag ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang mga naturukang Chinese nationals ay kabilang sa A2 priority list o senior citizens at A3 priority list o mag mayroong co-morbidities.