Pinag-iingat ng DILG o Department of Interior and Local Government ang mga nag-aambisyong maitalagang barangay captain sakaling maipagpaliban na naman ang eleksyon sa Oktubre.
Ibinunyag ni DILG Assistant Secretary Epi Densing na may iba’t ibang grupong nanghihingi ng pera sa mga gustong maitalagang kapitan ng barangay upang mailapit di umano ang mga ito sa Malacañang.
Matatandaan na sinabi ng Pangulong Rodrigo Duterte na mas gusto niyang magtalaga na lamang ng barangay captains kaysa idaan pa ito sa eleksyon.
“Ikot-ikot sa buong Pilipinas ngayon nagsasabi na sila ay may koneksyon sa Malacañang na makakapag-appoint sa kanila bilang mga barangay officials, wala pong ganyan, mga scammers po ang tawag dun, in fact may report kaming na-receive na naghihingi ng P100 kada tao, so 500 ang umattend diyan sa P100, meron siyang malilikom na 50,000 sa panloloko lang.” Ani Densing
Sa ngayon, sinabi ni Densing na tuloy ang preparasyon nila para sa barangay elections sa Oktubre ng taong ito.
Sa katunayan, tuloy-tuloy rin aniya ang preparasyon ng Commission on Elections o COMELEC.
Ayon kay Densing, kailangang maging handa ang lahat dahil hindi naman maipagpapaliban ang barangay elections hanggat walang ipinapasang batas hinggil dito ang Kongreso.
“Wala naman batas na ipinasa pa para i-postponed ang eleksyon at magbigay ng kapangyarihan sa ating Pangulo na mag-appoint na lang ng mga opisyales, so nag-pe-prepare ang COMELEC at DILG sa upcoming barangay and SK elections, so kung kayo’y gusto niyong manilbihan sa barangay mag-prepare kayo, huwag kayong aasa, na magkakaroon daw ng OIC, pano kung hindi nagkaroon ng appointment?, talo ka na.” Pahayag ni Densing
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas Interview