Pinabulaanan ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista na taga-Kidapawan ang mga magsasakang nagkilos-protesta doon kahapon dahil sa gutom.
Aniya, nagsimula nang magbigay ng bigas ang pamahalaang lokal ng Kidapawan para sa mga mamamayan nito dalawang linggo na ang nakararaan.
Nagkataon lamang, aniya, na nasa Kidapawan City ang warehouse ng National Food Authority (NFA) kaya doon nagtipon ang may 4,000 raliyistang napag-alamang mula pa sa 7 munisipalidad ng North Cotabato.
Gayunpaman, bigas, aniya, ang malinaw na panawagan ng mga ito.
LISTEN: Bahagi ng pahayag ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista
NFA
Isyu sa pagitan ng Cotabato Provincial Government at mga magsasaka sa bayan ng Kidapawan ang dahilan nang reklamong tag-gutom ng mga magsasaka bunsod ng El Niño phenomenon.
Ipinabatid ito sa DWIZ ni National Food Authority (NFA) Administrator Renan Dalisay matapos sumugod malapit sa tanggapan ng ahensya sa lalawigan ang mga magsasaka ng Kidapawan.
Ayon kay Dalisay, kinausap na nila ang mga naturang magsasaka para ipaabot na lamang sa provincial government ang reklamong ilabas ang calamity fund para sa kanila.
LISTEN: Bahagi ng panayam kay NFA Administrator Renan Dalisay
By Avee Devierte | Judith Larino | Balitang Todong Lakas