Ibinida ng Malacañang ang mga nagawa ng kasalukuyang administrasyon sa unang buong taon ng panunungkulan nito.
Sa inilabas na yearend report ng Malacañang, nakasaad ang mga nagawa ng administrasyong Duterte sa pagtatapos ng taong 2017.
Nangunguna dito ang pagiging matagumpay ng Philippine National Police, Philippine Drug Enforcement Agency at iba pang ahensya na tumututok sa pagsasawata ng iligal na droga sa bansa.
Nakasaad din dito ang pagbaba ngayong taon ng krimen sa bansa na nasa 8.44 percent gayundin ang pagbaba ng insidente ng pagnanakaw na nasa 23.61 percent.
Itinuturing din na accomplishment ng administrasyong Duterte ang rekomendasyon ng pagkakasibak sa serbisyo ng mahigit apatnaraang pulis dahil sa iba’t ibang kaso kabilang na ang dalawang pulis na nasangkot sa pagpaslang sa disi nuebe anyos na si Carl Angelo Arnaiz.