Inisa-isa ng Malacañang ang mga nagawa ng administrasyong Duterte sa loob ng 100 araw mula nang manungkulan ito sa puwesto.
Maliban sa kampanya kontra iligal na droga, ibinida rin ng administrasyon ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng CPP-NPA-NDF.
Bukod pa ito sa pakikipag-usap ng Pangulong Duterte sa Bangsamoro Group tulad ng Moro National at Moro Islamic Liberation Front na pumayag na ituloy ang Bangsamoro Peace Agreement at roadmap para sa Mindanao.
Kabilang na rin dito ang hakbang ng Department of Agrarian Reform o DAR na namamahagi ng ekta-ektaryang lupain kabilang na ang Hacienda Luisita sa mga magsasaka sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Law.
Inaprubahan na rin ng National Economic Development Authority o NEDA ang daan-daang bilyong pisong proyekto para mapaganda ang kabuhayan ng mga Pilipino maliban pa sa target na reporma ng Department of Finance sa tax law at taasan ang income tax bracket.
The President’s message
Hangad ng Pangulong Rodrigo Duterte na makamit ang kanyang ipinangakong pagbabago na magkaroon ng simple at komportableng pamumuhay ang mga Pilipino.
Ito ang inihayag ng Malacañang kasabay ng paggunita ng bansa sa ika-100 araw ng Pangulo mula nang maupo ito sa puwesto.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, hindi maikakaila na may napapansin nang pagbabago sa bansa lalo na sa kampaniya kontra iligal na droga.
Bagama’t nakasalalay aniya sa takbo ng ekonomiya ang kundisyon ng bansa, sinabi ni Abella na malaking papel dito ang pagkakaroon ng peace and order, malakas na justice system at pagbuwag sa oligarkiya.
Kasabay nito, hinimok ng Palasyo ang publiko na panoorin ang isang oras na dokumentaryo ng pagbabago na inihanda para sa nasabing okasyon.
By Jaymark Dagala | Aileen Taliping (Patrol 23)