Ibinida ni Mayor Francis Zamora ang kaniyang mga nagawa sa unang isandaang araw ng kanyang termino bilang Mayor ng Lungsod ng San Juan.
Sa isinagawang State of the City Address, iniulat ni Mayor Zamora ang nasa halos P1.7-billion halaga ng mga imprastraktura ang naipatayo sa ilalim ng kaniyang termino.
Kabilang na rito ang pagtatayo ng kauna-unahang High Rise Condominium Housing Project sa Pilipinas na naglalayong mabigyan ng disente at may dignidad na pabahay ang mga mahihirap sa kaniyang nasasakupan.
(1/2) BASAHIN: Mga nagawa sa unang 100 araw sa puwesto, inilatag ni San Juan City Mayor Francis Zamora | via @jaymarkdagala pic.twitter.com/h9181T2WQa
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) October 8, 2019
Maliban dito, ipinagmalaki rin ni Zamora na ang San Juan ang isa sa mga lungsod sa Metro Manila na nagkaroon ng libreng Wi-Fi sa mga pampublikong lugar matapos lagdaan ang isang kasunduan sa pagitan ng Department of Informations and Communications Technology (DICT).
Sinabi pa ni Zamora na sa unang 100 araw niya sa poder ay nadagdagan na ang mga pampublikong paaralan para sa mga kabataan ng San Juan dahil bukod sa naibalik na ang operasyon ng West Crame Elementary School ay mayroon pang mga itinatayong paaralan na inaasahang matatapos sa susunod na taon.
Dahil isa rin ang San Juan sa mga nakasunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte at kautusan ng DILG na linisin at ibalik ang mga bangketa sa publiko, binalaan ni Zamora ang mga pasaway na aaraw-arawin nila ang mga ito at hindi nila hahayaang mabarahan muli ang mga lansangan sa kanilang lungsod.