Arestado ang apat na drug personalities kabilang ang dalawang nagpakilalang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa ikinasang buy bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Ermita Maynila.
Kinilala ang mga suspek na sina Bong Masual Mondato, Kaharudin Kulapi Ali at mga nagpakilalang MILF Member na sina Aladin Kulapo Ali at Omex Omar Tuwan.
Samantala nakumpiska naman sa apat ang mahigit 540 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng nasa dalawa’t kalahating Milyong Piso, dalawang cellphones, ilang financial documents at marked money.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, itinuturing ang mga suspek bilang mga narco-terrorist na sinusuportahan ng isang politiko mula sa Mindanao.
Gayunman, tumanggi muna si Aquino na isiwalat ang pagkakakilanlan ng nasabing politiko.
Nahaharap naman sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong suspek.