Binalaan ng Philippine National Police ang mga netizens na nagpapakalat ng mga posts tungkol sa di umano’y serye ng kidnapping sa Metro Manila kung saan ibinebenta ang lamanloob ng mga biktima.
Ayon kay PNP spokesman Brigadier General Bernard Banac, mayroon silang mga cyberpatrols na nakatutok sa mga websites na nagpapakalat ng fake news at handa silang papanagutin sa batas ang mga gumagawa nito.
Sa ngayon aniya ay itinuturing pa rin nilang fake news ang mga lumalabas sa social media na kasong pagdukot sa mga kabataan para kunin ang kanilang lamang loob.
Ipinaliwanag ni Banac na bagamat mayroong CCTV footage sa di umano’y pagdukot sa mga kabataan, hindi pa ito beripikado kung saan at kailan ito nangyari.
Tiniyak ni Banac na ginagawa nila ang kanilang magagawa upang imbestigahan ang kaso —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9).