Isinusulong ni Senator Jinggoy Ejercito Estrada na gawing krimen ang pagpapalaganap ng mga maling balita o impormasyon o fake news.
Sa paghahain ng Senate Bill no. 1296, sinabi ni Estrada na layon ng kaniyang panukala na masugpo ang paglaganap ng disinformation sa internet sa pamamagitan ng pagsama nito sa mga itinuturing na krimen o cybercrime sa ilalim ng Republic Act (RA) no. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012
Giit ni Estrada, masyado ng talamak ang mga click baits, propaganda at pagmamanipula ng mga lehitimong news segments para makapagpalaganap ng maling impormasyon kaya mahirap na matukoy kung alin ang totoo sa mga pekeng balita.
Iminungkahi ni Estrada na amiyendahan ang section 3 ng RA 10175 para isama ang “fake news” sa definition ng mga termino at pagsama nito sa section 4 o ang listahan ng cybercrime offenses.
Sa kanyang panukala, maituturing na krimen ang paglikha at pagpapakalat ng pekeng balita na ginawa sa pamamagitan ng isang computer system. – mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)