Maaari nang makulong ng hanggang limang (5) taon at pagmultahin ng mula isang daang libong piso (P100,000.00) hanggang limang milyong piso (P5-M) ang sino mang mapatunayang nagpakalat ng fake news.
Ito ang nakasaad sa Senate Bill Number 1492 o ang Anti-Fake News Act na inihain ni Senator Joel Villanueva.
Ayon kay Villanueva, sakop ng nasabing panukalang batas ang lahat ng nag-published, nag-distribute at nagpakalat ng maling balita sa diyaryo, telebisyon, online media o social media.
Iginiit din ng senador na napapanahon na ang paggawa ng batas laban sa fake news dahil nagagamit ito para manakot at bilang propaganda para manira ng isang tao.
Nakapaloob din sa panukala na doble ang parusa sa mga lalabag na public officials at maaari pang madiskwalipika sa anumang posisyon sa gobyerno.
Sakali namang mabigo o tumanggi ang isang mass media entity o social media platform na tanggalin ang fake news ay pagmumultahin naman ang mga ito ng sampu (10) hanggang dalawampung (20) milyong piso at pagkakakulong mula sampu (10) hanggang dalawampungtaon (20).
By Krista De Dios | With Report from Cely Bueno