Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) ang kasong maaaring isampa laban sa mga nagpapakalat ng pekeng balita hinggil sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV-ARD).
Sinabi ni PNP spokesman Police Brigadier General Bernard Banac na ang uubrang batas laban sa mga nagpapakalat ng pekeng balita ay ang unlawful use of means of publication and unlawful utterances sa ilalim ng article 154 ng revised penal code na may kaugnayan sa section 6 ng Republic Act 10175 o anti-cybercrime law.
Kaya nga aniya hinihimok nila ang social media users na mag-ingat at iwasan ang pagse-share ng mga hindi kumpirmadong balita o maharap sila sa pagkakaaresto.
Ang pahayag ay paglilinaw matapos ipabatid ng PNP na ang mga nagpapakalat ng ‘fake news’ ay kakasuhan nang paglabag sa presidential decree 90 o declaring unlawful rumor mongering and spreading false information na una nang na repeal noong 1986.