Hindi inirerekomenda ng Department of Environment and Natural Resources-Biodiversity Management Bureau (DENR-BMB) ang pagpapakawala ng mga palaka at isda upang labanan ang dengue.
Ibinabala ng DENR-BMB Na maaaring masira ang ecological balance ng kapaligiran sa paglalagay ng mga palaka at isda sa “stagnant water”.
Nilinaw ni DENR-BMB Director Natividad Bernardino na hindi naman kasali ang mga lamok sa mga karaniwang kinakain ng mga palaka.
Ayon kay Bernardino, ang mga cane toad o palakang-tubó ang numero unong “invasive alien species” sa mundo na maaaring magdulot ng “environmental harm” at maka-apekto sa kalusugan ng tao.
Dahil ang mga palaka at isdang pinapakawalan anya ay nilalagay sa mga ecosystem kung saan hindi sila likas na nakatira, maaaring kainin ng mga ito ang mga native species sa lugar at posible ring magdala ng mga panibagong sakit.
Muling iginiit ng DENR na ang paglilinis at pagsasaayos pa rin ng kapaligiran ang pinakamabisa pa ring solusyon upang masugpo ang mga lamok na aedes aegypti (ey-dis e-jip-ti) na karaniwang nagdadala ng dengue virus.