Umaapela si Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Diño sa mga nagtungo sa isang resort sa Caloocan City na lumapit na sa mga otoridad para sa kaukulang testing.
Ito ay matapos mag-viral ang resort na Gubat Sa Ciudad kahapon nang dagsain ng tao.
Sinabi sa DWIZ ni Diño na buhay ang pinag-uusapan sa insidenteng ito dahil maaaring makahawa sa kanilang pamilya sakaling may mag positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga ito.
Nananawagan na rin ako na magkusa sila [na magps-test], dahil unang-una, kalusugan ng pamilya nila ang pinag-uusapan dito, buhay ang pinag-uusapan dito, kung saan, kung merong nagpositive d’yan ay hawa-hawa, kaya magvolunteer na sila,” ani Diño. —sa panayam ng IZ sa Alas Sais
Pananagutan ng mga LGUs
Mananagot ang local government unit (LGU) sa pagdagsa ng tao sa isang resort sa Caloocan City na ipinagbabawal pa dahil nananatili sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila.
Ayon ito kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Diño matapos lumutang ang mga pangambang pagmulan ng mataas na kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang nangyari sa resort na Gubat Sa Ciudad, kahapon.
Kasunod na rin ito ng banta ng DILG na mananagot ang mga mayor na sasablay sa mass gatherings.
Sinabi ni Diño na may mga barangay officials naman na dapat nakatutok dito kaya’t maaaring natawagan ng pansin ang may ari ng nasabing resort matapos dagsain ng tao.
Halimbawa ‘yung Gubat Sa Ciudad may mga leader tayo na nung sanang nakita nila na dumadami ang tao d’yan, agad-agad ay nagsumbong sila kay Kapitan… kaya nakikita natin ‘yung bigat ng negligence o ‘yung pagpapabaya,” ani Diño. —sa panayam ng IZ sa Alas Sais