Iginagalang ng Malakaniyang ang pasya ng mga nasa sektor ng transportasyon na humirit ng dagdag singil sa pasahe partikular na sa jeepney.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, bahagi aniya ng karapatan ng mga nasa transport sektor na humiling ng karagdagang singil bunsod ng ipinatupad na tax reform law ng administrasyon.
Subalit una na aniyang tiniyak ng Department of Finance na hindi masyadong tatamaan ng TRAIN Law ang sektor ng mga mahihirap kabilang na ang transport group dahil may mga inilatag namang hakbang para maibsan ang epektong dulot nito sa kanila.
Gayunman, binalaan ni Roque ang mga negosyante na ginagamit ang pagpapatupad ng bagong tax measure para makapagsamantala sa mga konsyumer.