Hinikayat ng DTI o Department Trade and Industry ang mga nagtitinda ng manok sa pamilihan na ipaskil ang kanilang mga certificate mula sa NMIS o National Meat Inspection Service.
Sa isinagawang inspeksyon ni DTI Undersecretary Ted Pascua sa mga pamilihan sa Quezon City, kanyang sinabi na mahalagang makita ng mga mamimili ang nasabing meat certificate para mapawi ang mga agam-agam at matiyak na ligtas ang mga bibilhing karne.
Dagdag ni Pascua, magkakaroon pa sila ng mga susunod na inspeksyon sa mga palengke kasama ang DA o Department of Agriculture.
Kasabay nito, hinimok rin ng opisyal ang publiko na tangkilikin pa rin ang mga poultry products lalo’t tiniyak ng DOH o Department of Health na ligtas kainin ang mga ito basta maayos ang pagkakaluto.
Umaasa rin ang DTI na babalik din sa normal ang bentahan ng manok sa lalong madaling panahon.