Nanawagan ang Quezon City Government sa lahat ng mga nagtungo sa inorganisang community pantry ng aktres na si Angel Locsin na sumailalim sa libreng COVID-19 swab testing.
Ayon kay Dr. Rolando Cruz, ang chief ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), hindi maaring ipagsawalang-bahala ang posibilidad na nagkahawahan sa lugar ng pinagtayuan ng community pantry ni Angel Locsin dahil sa dami ng dumalo.
Giit ni Dr. Cruz, mainam nang makasiguro na hindi nagkaroon hawaan sa bawat pamilya ng mga dumagsa sa community pantry na ito ng aktres.
Sinuman aniya sa mga nagtungo doon na nakararanas ngayon ng flu-like symptoms o pag-ubo at lagnat marapat lamang na komunsulta na sa doktor at magkusa nang magpa-sailalim sa free swab testing na ibinibigay ng QC LGU.
Pahayag ni Dr. Cruz, na lahat aniya ng mga residente ng Quezon City na nakipagsiksikan sa pa-community pantry ni Angel Locsin at may nararanasang sintomas ng COVID-19, maari lamang aniyang tumawag at magpa-book ng online appointment sa pamamagitan ng CESU reservation form o kayay tumawag sa qc contact tracing hotlines na 8703-2759, 8703-4398, 0916-122-8628, 0908-639-8086 o 0931-095-7737.
Matatandaan na isang 67-year-old na senior citizen din ang nasawi habang nakapila sa community pantry na ito ng aktres.